Kumambyo na umano ang tatlong testigo na hawak ng pulis na nagtuturo sana sa pagkakasangkot sa iligal na droga ng hinihinalang drug lord na si Kerwin Espinosa.
Sa kanilang pagbaligtad, kanilang inaakusahan naman ngayon sina Chief Inspector Jovie Espenido, hepe ng Albuera, Leyte Police at PO3 Hydie Yutrago na gumawa umano ng mga affidavit kung saan sila pinilit umanong pumirma.
Sa naturang mga affidavits anila, makikita ang mga pangalan ng ilan pang pulis na sangkot umano sa iligal na droga at ang pagkakasangkot ni Espinosa sa naturang operasyon.
Gayunman, ayon kay Atty. Adelito Solibaga Jr., abugado ni Ormoc City Mayor Richard Gomez, nag-isyu na ng panibagong sinumpaang salaysay ang mga testigong sina Galo Bobares, Max Miro at Brian Zaldivar na magpapatunay na pinilit lamang umano sila nina Espenido na pirmahan ang naunang affidavit.
Si Mayor Richard Gomez ang isa sa mga personalidad na iniugnay ni Mayor Espinosa sa iligal na droga, na mariing itinanggi naman ng alkalde.
Sa ikalawang affidavit, iginigiit ng tatlo na ‘ready-made’ na ang naunang mga affidavit at pinapirmahan na lamang sa kanila sa harap ng isang abogado sa Tacloban City.
Ang naturang mga bagong affidavits ay pinirmahan ng tatlo noong November 10, o limang araw matapos mapatay si Albuera Leyte mayor Rolando Espinosa Sr. ng mga tauhan ng CIDG Region 8.
Gayunman, iginiit ni Chief Insp. Espenido na walang katotohanan na kanyang pinilit ang tatlo na pirmahan ang kanilang mga naunang sinumpaang salaysay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.