Bagong tax system, target maipatupad sa 2017; buwis sa sasakyan at oil products kabilang sa tataasan
Target ng pamahalaan na maipatupad na ang bagong tax system sa susunod na taon.
Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, nasa kamara na ngayon ang kanilang proposal at inaasahang maipapasa bago ang nakatakdang pagpa-file ng income tax sa buwan ng Abril taong 2017.
Sinabi ni Diokno na ang pagpapalit ng kasalukuyang tax code ay upang maging patas at competitive sa mga kalapit bansa ang Pilipinas.
Marami aniyang mga foreign investor ang ayaw magtungo sa bansa dahil sa sobrang mahal ng buwis.
Kasama sa proposal ng gobyerno ang pagtataas ng buwis sa car ownership gayundin ang presyo ng diesel at gasolina na posibleng patawan ng dagdag na P10 buwis.
Tinawag din ni Diokno na unfair ang kasalukuyang tax system dahil masyadong malaking buwis ang kinukuha sa fixed income earner.
Sa bagong tax code kukuhanan aniya ng malaking buwis ang mga kumokonsumo o gumagastos ng malaki.
Naniniwala ang opisyal na kung mahal ang gasolina mababawasan ang matinding problema sa trapiko.
Habang ang kasalukuyang 32% na income tax ay ibababa sa hanggang 25% na lamang gayundin ang 30% na corporate tax ay gagawin ding 25%.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.