Mga power generators pinagpapaliwanag na ng DOE matapos ang malawakang brownout sa Luzon kagabi
Inatasan na ng Department of Energy (DOE) ang mga pamunuan ng mga bumagsak na power plant na nagresulta sa malawakang power interruption sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan, Martes ng gabi.
Ayon kay DOE Usec. Wimpy Fuentebella, labinglimang porsyento ng kuryente para sa Luzon ang nawala kaya nagresulta ito ng brownout.
Sa inisyal din na imbestigasyon, mula sa naunang anim na planta na iniulat ng DOE na nagkaproblema kagabi ay umabot ito sa walo.
Ayon sa DOE, kabilang sa mga pumalyang planta ang Sta. Rita, San Lorenzo, San Roque, QPPL, San Gabriel, GN Power, Limay A at Bacman.
Sa kabuuan, mayroong 2,407 megawatts ang nawala sa Luzon dahil sa mga pumalyang planta.
Bunsod nito, sinabi ni Fuentebella na inatasan na nilang magsumite ng written explanation ang mga power generators.
Ayon sa DOE, posibleng mayroong kapabayaan, kakulangan o maari din namang force majeure ang naging dahilan ng pagbagsak ng mga planta at ito ang kanilang aalamin.
Sa ngayon balik naman na lahat sa normal ang walong plantang bumagsak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.