Bello sa mga ‘Pinoy TNT’ sa Amerika: “Umuwi na lang kayo”
Kumpara sa kabuuang bilang ng mga Pilipinong naninirahan ngayon sa Amerika, kakaunti lamang sa kanila ang mga iligal na namamalagi doon na tinatawag na mga tago-ng-tago o TNT.
Sa katunayan, 271,000 lamang sa 3.5 milyong mga Pilipino sa Amerika ang iligal na naninirahan doon.
Gayunman, ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, malamang na maaaresto at ipapadeport rin ang mga ito kahit gaano pa sila kaunti.
Sa panayam kay US President-elect Donald Trump, sinabi niyang ang kaniyang prayoridad ay ang alisin ang mga illegal immigrants na may mga criminal records na tinatayang nasa 2 hanggang 3 million ang dami.
Hindi naman niya nabanggit ang tungkol sa mga undocumented immigrants, pero sinabing ito naman ang mga isusunod oras na maialis na niya ang mga kriminal.
Dahil dito, hinimok na ni Bello ang mga Pilipinong TNT sa Amerika na huwag nang hintayin ang magiging crackdown ng administrasyong Trump, at umuwi na lamang dito sa bansa.
Sakali namang mahuli ang mga TNT, panigurado aniyang magtatagal pa ng ilang taon bago sila ma-deport dahil sa tagal rin ng mga prosesong kailangang gawin upang mapaalis sila sa Amerika.
Pero binanggit rin ni Bello, na balak rin naman ng administrasyong Duterte na ayain na pauwi ang mga migrants sa pamamagitan ng pagaalok ng pangkabuhayan at trabaho dito sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.