WATCH: Pagpatay sa tricycle driver sa Mandaluyong City, nakuhanan ng CCTV
Patay ang isang tricycle driver matapos tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Brgy. Poblacion, Mandaluyong City.
Nangyari ang pananambang sa A.T. Reyes Street sa Brgy. Poblacion, ilang bahay lang ang pagitan mula sa barangay hall.
Kinilala ang biktima na si Renato Bernando, 35-anyos na tricycle driver.
Base sa inisyal na imbestigasyon, dati nang sumuko sa Oplan Tokhang si Bernardo, na kasama sa drug watchlist ng pulisya.
Dahil dito, isa sa mga hinihinalang motibo sa pagpatay sa kaniya ay may kinalaman sa iligal na droga.
Anim na basyo ng bala ang natagpuan sa paligid ng pinangyarihan ng krimen, kung saan nakahandusay ang bangkay ni Bernardo sa kaniyang tricycle.
Sa kuha ng CCTV ng barangay hall, nakitang minamaneho pa ni Bernardo ang kaniyang tricycle, nang bigla siyang pinagbabaril ng lalaking naka-jacket na may hood, na naka-angkas sa motorsiklo. Ang nagmamaneho naman ng motorsiklo ay nakasuot rin ng helmet kaya hindi nakilala.
Ayon sa mga tanod ng barangay, binalikan pa ng mga suspek si Bernardo at muling pinaputukan na tila para tiyaking napuruhan ito.
Hindi ito ang unang beses na may tibambangan sa barangay na ito, dahil noong nakaraang linggo lang ay isang tricycle driver din ang pinagbabaril ng riding in tandem sa Star Street, saktong pagbaba ng kaniyang mga pasahero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.