Access Rd. ng MWSS, hihilinging buksan sa mga motorista; solusyon sa grabeng traffic sa Rodriguez, Rizal

FB Photo via Alfred Dinampo and Jhoane Palma
FB Photo via Alfred Dinampo and Jhoane Palma

Makikipagpulong ang pamahalaang lokal ng Rodriguez, Rizal sa pamunuan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para mapayagan ang mga motorista na magamit ang kalsadang bumabagtas sa gilid ng La Mesa Dam watershed.

Ito ang nakikitang pansamantalang solusyon ng lokal na pamahalaan para maibsan ang matinding pagsisikip sa daloy ng traffic sa nasabing bayan bunsod ng ginagawang kalsada sa Don Mariano Avenue sa Barangay San Jose na pangunahing daanan ng mga pribado at pampublikong sasakyan patungo sa Quezon City at Rodriguez town proper.

Nagrereklamo na kasi ang publiko sa matinding perwisyo na idinudulot ng traffic dahil ang dating labing limang minuto na biyahe mula o patungo sa Crossing-Rodriguez Highway ay inaabot ng dalawa hanggang tatlong oras lalo na kung rush hour.

Ayon kay Arnel De Vera, executive assistant 3 sa tanggapan ni Rodriguez Vice Mayor Tom Hernandez, isasagawa ang pulong bukas, alas 9:00 ng umaga kasama ang mga opisyal ng MWSS, Manila Water, Committee on Public Works, Committee on Transport, Municipal Engineer at si Mayor Cecilio Hernandez.

Sa nasabing pulong, hihilingin ng lokal na pamahalaan sa MWSS na mapayagang magamit ang lansangan na bumabagtas sa La Mesa Dam watershed ng mga motorista mula sa Metro Manila Hills Subdivision sa Barangay San Jose, patungo sa Payatas Road sa Quezon City at pabalik.

Sinabi ni De Vera na seryosong tinitignan ng local government ang nararanasang problema sa traffic ng mga residente.

“Ang pamunuan ni Mayor Elyong ay gumagawa ng paraan at harinawa’y payagan po tayo ng MWSS na makadaan sa kanilang lugar upang wala ng masyadong traffic na maranasan ang ating mga kababayan,” sinabi ni De Vera.

FB Photo via Pauline Sapanza

Muli ring umapela ang lokal na pamahalaan ng pang-unawa sa publiko at hiniling na iwasan ang init ng ulo sa kabila ng matinding traffic na nararanasan papasok at galing sa trabaho at eskwela.

Sa reklamo ng mga residente, ang biyahe sa layong 2 hanggang 3 kilometero lamang ay inaabot ng hanggang dalawang oras.

Ang mga estudyante at mga manggagawa ay patuloy na kinakalampag sa social media ang lokal na pamahalaan dahil apektado lagi silang late sa klase at trabaho.

May mga residente din ang napipilitan na maglakad o ‘di kaya ay sumakay ng balsa para tumawid sa ilog bilang alternatibong ruta.

Read more...