Pag-amin ni De Lima sa relasyon kay Dayan, makatutulong sa kaso ng NBI laban sa senadora

de lima dayanMakapagpapalakas sa reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang pag-amin ni Senator Leila de Lima sa kaniyang relasyon sa driver-bodyguard niyang si Ronie Dayan.

Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, malaki ang implikasyon ng pag-amin na ito ng senadora.

Tumaas kasi aniya ang posibilidad na kulektor nga ni De Lima si Dayan gaya ng mga naging pahayag ng mga tumestigong high profile inmates sa imbestigasyon ng house justice committee.

Ani Aguirre, kung simpleng driver-bodyguard lang kasi ni De Lima si Dayan ay hindi niya ito basta-basta pagkakatiwalaan sa mga personal at ilegal na transaksyon sa Bilibid.

Pero dahil inamin na ni De Lima na nagkaroon nga sila ng relasyon ni Dayan, natugunan ang mga katanungan kung bakit ganoon na lang kalaki ang tiwala ng senadora sa bodyguard.

“Malaki ang implication, dati-dati kasi itinatanggi niya iyan, tumaas ang probability na naging kulektor niya nga si Dayan ng drug money sa Bilibid. Kung driver lang iyan, mababa ang probability dahil driver lang iyan, bakit makakapangukta iyan,” ani Aguirre.

Magugunitang sa isinagawang pagdinig ng kamara kaugnay sa transaksyon ng ilegal na droga sa Bilibid, karamihan sa mga tumestigong preso ay nagsabi na si Dayan ang kumukulekta ng pera pa kay De Lima.

May mga pagkakataon umano na si Dayan mismo ang kumausap sa kanila at sinabing kailangan nilang makalikom ng pera para sa kampanya ni De Lima sa pagka-senador.

 

Read more...