Sampung bloke ng marijuana, nadiskubre sa isang bus terminal sa Quezon City

Kuha ni Christopher Diocado
Kuha ni Christopher Diocado

Aabot sa sampung pinatuyong bloke ng marijuana ang natagpuan sa Florida Bus terminal sa Brgy. West Kamias, Quezon City.

Ayon sa security officer-in-charge ng Florida bus na si Julie Sabaldan, inatasan sila ng may-ari na linisin na ang baggage area ng terminal dahil marami na ang nakatambak.

Naiipon aniya kasi ang mga nakalagay sa baggage area partikular ang mga bagahe na hindi naman nake-claim ng may-ari.

Pero kapag aniya matagal na ang mga bagahe, dinidispatsa na nila ito maliban na lamang kung mapapakinabangan pa ang mga laman nito.

Habang naglilinis, isang kahon na balot ng packaging tape ang nakita sa baggage area, at nang bahagya itong buksan ng kanilang dispatcher na si Christopher Rodriguez, sumingaw
ang amoy ng tuyong marijuana.

Nakapangalan ang kahon sa isang Ermillinda G. Torres, at ayon sa dispatcher, galing pa ito sa probinsya, ngunit inabot na ng isang taon pero wala nang kumuha nito.

Nagkakahalaga umano ng tinatayang nasa 100 libong piso ang halaga ng halos sampung kilong marijuana.

Sa ngayon ay nasa ilalim na ito ng kustodiya ng Quezon City Police District (QCPD) District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (DAID-SOTG).

 

 

 

 

Read more...