Lacson aminadong nababahala sa mga ikinilos ng mga pulis sa Senate hearing

By Den Macaranas November 14, 2016 - 05:33 PM

CIDG 8
Inquirer file photo

Aminado si Sen. Ping Lacson, pinuno ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nakababahala ang pagiging overconfident ng mga pulis na nasa likod ng pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.

Ayon kay Lacson, “I was watching the demeanor of Supt. Marcos, Chief Inspector Laraga and the two others … and I could see from their demeanor na masyadong confident, parang they were already anticipating that the President would back them up. And that’s a bad sign”.

Nauna nang sinabi ng senador na malinaw na sadyang pinatay si Espinosa sa loob ng Leyte sub-Provincial Jail sa Baybay City.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na pinag-planuhan ang pagpatay pero masama naman ang naging execution kaya’t halata ang motibo ng mga nasa likod ng nasabing raid sa bilangguan.

Lumutang din ang mga report na si Espinosa ay kabilang sa mga donor nang tumakbong vice mayor sa Pastrana, Leyte ang misis ni Supt. Melvin Marcos na si Maritess pero ito ay natalo sa nasabing eleksyon noong nakaraang Mayo.

Si Marcos ang pinuno ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 at nanguna sa pagsisilbi ng search warrant sa nasabing bilangguan kung saan nakakulong si Espinosa.

Sa imbestigasyon ng Senado ay lumutang din na kaanak ni Marcos si Leilani Jimenea na isang umanong media personality sa Leyte at kasama sa umano’y payroll ni Espinosa bilang protektor ng illegal drug trade.

Sinabi ni Lacson na dapat pag-aralan ng pamahalaan kung talaga bang nananalo o natatalo ang administrasyong Duterte sa kanilang kampanya kontra sa droga dahil sa maling kilos ng ilang mga pulis.

TAGS: albuera, cidg 8, duterte, espinosa, melvin marcos, ping lacson, albuera, cidg 8, duterte, espinosa, melvin marcos, ping lacson

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.