“Pagsuspinde sa ‘Habeas Corpus’: Anong katiyakan na ‘di ito maabuso?” – sa ‘WAG KANG PIKON ni JAKE MADERAZO

By Jake Maderazo November 14, 2016 - 09:17 AM

Duterte DESPERADO na si Pres. Duterte sa problema ng illegal drugs sa bansa kayat pinag-iisipan niya ang suspensyon ng “writ of habeas corpus”.

Malapit nang matapos at extended na nga ang kanyang 6-month deadline sa illegal drugs.

Nag lie-low naman ang mga sindikato sa droga habang nariyan siya sa Palasyo.

Nagulat ang pangulo sa lawak ng shabu matapos tukuyin ng mga sumukong 760,000 drug users at 55,000 na mga drug pushers o ang mga taong pinagkukunan nila ng i-pinagbabawal na gamot.

Sa kanyang drug list, may 8,000 government officials at mga pulitiko tulad ng congressmen, gobernador, mayor, hanggang barangay kapitan.

Idagdag pa rito ang mga “narco cops”, na ayon kay PNP Chief Bato de la Rosa, ay mga 1,600, pero sa listahan ng pangulo ay umaabot ito sa 10,000.

Isipin na lang ninyo, 160,000 ang buong pwersa ng PNP at isa sa bawat 10 pulis ay sangkot sa droga.

Kinasuhan na ang 300 hanggang 500 pulis pero dahil sa “civilian nature” ang proseso, mabagal ito at halos inutil na sa pagdidisiplina.

May usapan ngang ibalik na lang sa PC-INP ang kasakuluyang PNP para mabilis masibak ang isang pasaway na pulis.
Halimbawa nang mahigit 20,000 ang mga sangkot sa droga, mula pulitiko, pulis, barangay, malulutas ba ito kung isa-isa lamang kakasuhan?

Matatapos ang anim na taon ng Duterte administration, maipapakulong ba ang mga drug protectors na ito? Ang sabi nga ng pangulo noong Biyernes, kung siya ang masusunod lahat ng sangkot sa droga ay dadalhin niya sa Samal Island, bubutasan sa gitna at palulubugin.

Halos 5,000 ang patay sa summary killings at police operations, ayon sa PNP. Pagkagaling ng Japan, sinabi ng pangulo “I tell you, I will triple it. ‘Pag hindi nasunod ang gusto ko, to get rid of drugs, you can expect 20,000 or 30,000 more”.

Noong kampanya, si-nabi ni Duterte na 100,000 ang mamamatay.

At ngayon pumapasok ang kanyang solusyon na alisin muna ang “Writ of Habeas Corpus” para sa isang birada ay maputol ang illegal drugs.

Naalala ko noong martial law, lahat ng political warlords, taga-Metro Manila man o lalawigan ay inimbitahan sa Camp Crame.
Dahil suspendido ang Writ of Habeas Corpus, walang takdang panahon kung kailan sila palalayain. At ang resulta, nawala sa isang iglap ang mga “private armies”.

Ngayon, lumilitaw na gusto ni Duterte na arestuhin (o ilikida) ang lahat ng mga drug protectors, narco politicians, narco cops (aktibo man o retired). Kasama na rin dito ang mga dayuhang operator ng mga shabu labs at drug cartels.

Mabilis na hustisya pero, ito ba ang tama at nag-iisang direksyon? Sobrang kapangyarihan kay Pres. Duterte para suspindehin ang “writ of habeas corpus”.

Kung ako ang tatanu-ngin, talagang kailangan ng “kamay na bakal” laban sa droga. Pero, ano ang garantiya na hindi siya magmamalabis, kabilang na ang kanyang Gabinete? Anong garantiya na hindi mang-aabuso ang kanyang mga pulis at sundalo tulad noong panahon ng martial law?

Napakalaki ng tiwala ng tao kay Duterte. At sa ngayon, ang matapang niyang kampanya laban sa illegal drugs ang tanging pagkakataon sa kasaysayan para malinis ang lipunan.

Sana, Mr. President, kahit may habeas corpus, unahin mong ikulong agad-agad ang mga libu-libong narco cops at narco politicians.

TAGS: fight against illegal drugs, Rodrigo Duterte, writ of habeas corpus, fight against illegal drugs, Rodrigo Duterte, writ of habeas corpus

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.