Patay sa durg buy-bust operation sa Brgy. San Bartolome, Quezon City ang isang ama na nauna nang inireklamo sa pulisya dahil sa panggagahasa umano sa apat niyang anak.
Ayon kay Police Insp. Generoso Rosales, hepe ng Quezon City Police Station-Anti-illegal drugs, nanlaban umano ang hinihinalang drug pusher na target ng kanilang operasyon na kinilalang si Fernando Gunio.
Isinagawa ang operasyon sa may tahanan nito sa Extension 20 Diego Silang, na isang eskinita sa St. Francis Village, sa Brgy. San Bartolome, Quezon City.
Pagkatapos aniya ng transaksyon, napansin ni Gunio na pulis ang kaniyang nakausap kaya tumakbo ang suspek, at hinabol naman siya ng mga operatiba.
Pagpasok sa loob, namataang may baril ang suspek na ipinutok sa nga pulis, pero gumanti rin ng putok ang mga ito kaya nasawi si Gunio.
Dagdag pa ni Rosales, una nang may nakarating na ulat sa kanila noong nakaraang taon na ginagahasa o minomolestya umano ng suspek ang kaniyang mga anak.
Dahil usap-usapan ito sa mga kapitbahay, binisita aniya ang mga ito ng kanilang Women’s Desk, pero mariin naman itong itinatanggi ng ina at sinabing ayaw niyang magsampa ng kaso laban sa mister upang hindi na maeskandalo ang kaniyang pamilya.
Walo ang anak ng 38-anyos na si Gunio, at ayon sa ulat sa mga pulis, apat sa mga ito umano dito ang hinahalay niya.
Sa panayam naman sa kinakasama ni Gunio na si Elena Ayala, itinanggi niya ang panggagahasa ng mister pero inaming gumagamit ito ng iligal na droga, kasama ang mga kaibigan.
WATCH: Ama na umano’y gumagahasa sa apat niyang anak, patay sa drug buy-bust operation ng QCPD | @kbdaenlle pic.twitter.com/CZb2Kfz4nx
— RadyoInquirer990AM (@dzIQ990) November 14, 2016
Na-tokhang na rin aniya si Gunio, ngunit hindi ito nadatnan ng mga pulis at hindi rin aniya sumuko.
Ayon naman sa bise presidente ng samahan ng mga residente ng lugar na si Jaime Magpulong, maraming dumadayo sa kanilang lugar tuwing gabi at madaling araw na si Gunio lagi ang sadya.
Nabanggit rin ni Magpulong ang naging usap-usapan umano sa kanilang lugar na ginagahasa umano ni Gunio ang mga anak nito, ngunit hindi naman niya ito kinumpirma kung totoo.
Sakali namang mapatunayan na pinagtatakpan nga talaga ni Ayala ang umano’y panghahalay ng mister sa mga anak, tiniyak ni Rosales na may kalalagyan rin ito sa batas.