2 patay sa magnitude 7.8 na lindol sa New Zealand
Dalawa katao ang iniulat na namatay resulta ng malakas na magnitude 7.8 na lindol at sunud-sunod na mga aftershocks sa New Zealand kagabi.
Kinumpirma ni New Zealand Prime Minister John Key ang pagkamatay ng dalawang biktima bagama’t hindi nito idinetalye ang dahilan ng pagkasawi ng mga ito.
Sa pagharap nito sa mga mamamahayag, sinabi ni Key na marami pa rin sa mga lugar na naapektuhan ng lindol ang hindi pa rin makontak matapos bumagsak ang linya ng komunikasyon.
May mga napaulat rin na mga nasaktan sanhi ng mga pagyanig bagama’t kinukumpleto pa rin ng lokal na mga otoridad ang mga detalye.
Maghahatinggabi ng Linggo nang tumama ang malakas na lindol na ikinabigla ng mga residente sa south island malapit sa Christchurch.
Dahil sa lakas ng lindol, maraming mga gusali at bahay ang yumanig at napinsala.
Nakaranas rin ng tsunami na umaabot sa isang metro ang ilang mga baybaying lugar sa New Zealand.
Samantala, ayon sa statement mula sa Malacañang, walang naiulat na nasaktan o nasawing Pinoy sa lindol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.