Natagpuang nakagapos at wala ng buhay ang isang taxi driver sa loob ng kaniyang ibinibiyaheng sasakyan sa Malate, Maynila, kaninang umaga.
Natuklasan ang bangkay ng biktimang kinilalang si Arturo Pascual, 67 taong gulang at residente ng San Andres Maynila, matapos na hindi siya makabalik ng garahe sa tamang oras.
Ayon sa mga kasamahang taxi drivers ni Pascual, alas 4:00 ng umaga dapat ay nakagarahe na sa Ken Transport si Pascual at pagkatapos ay gagamitin naman ng kaniyang karelyebo ang taxi.
Gayunman, alas 6:00 na ng umaga ay hindi pa ito nakakarating sa garahe. Dahil dito, nagpasya ang may-ari ng kumpanyang Ken Transport na i-track ang kinaroroonan ni Pascual gamit ang GPS na naka-install sa taxi unit nito na may plate number UYE 361.
Nang matukoy ang kaniyang lokasyon ay agad itong pinuntahan ng mga kapwa niya driver at doon nga nakita si Pascual na nasa flooring ng backseat ng taxi, nakagapos, may masking tape sa mukha at wala ng buhay.
Hinihinalang biktima si Pascual ng holdap.
Apat na taon nang nagmamaneho ng taxi si Pascual sa Ken Transport at kahit senior citizen na ito ay hindi pa rin tumitigil sa pagtatrabaho ayon sa kaniyang mga kasamahan./ Dona Dominguez – Cargullo