Ayon pa kay Aquino, mas mabilis pang kumilos si Piñol kaysa kay dating Agriculture Sec. Proceso Alcala na itinalagang kalihim ng kaniyang kapatid na si dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sa ginanap kasi na National Micro, Small and Medium Enterprises Summit sa Davao City, tinalakay ni Piñol ang kalagayan ng produksyon ng abaca dito sa bansa.
Ipinaliwanag niya na may malaking potensyal ito kung pagtutuunan lamang ng pansin, dahil dito lang naman sa Pilipinas makakakita ng abaca na sinasabing pinakamatibay na fiber sa buong mundo.
Pero ayon kay Piñol, napabayaan talaga ang produksyon ng abaca dito sa bansa kaya kailangan itong pagtuunan ng pansin.
Tinanong naman siya ni Kris na nagho-host ng nasabing summit kung si Alcala ang nagpabaya.
“Sino nagpabaya? Si Alcala?” tanong ni Aquino.
Iginiit naman ni Piñol na hindi naman niya tinutukoy si Alcala dahil matagal naman na ang problemang ito dahil minsan, hindi pinapansin ng mga Pilipino ang sariling yaman ng bansa.
Ani pa Piñol, bago pa man siya manumpa ay ipinangako na niya sa mga magsasaka ng abaca ang P100 milyong ayuda para makabawi sa industriya, at naibigay na sa kanila ang P50 milyon.
Bumilib si Aquino na nagawa ito ni Piñol sa loob lamang ng apat na buwan at sinabi pa sa kalihim na “Ang taray mo.”
Dagdag pa ni Aquino, nakikita niya na ngayon na mas mabilis kumilos si Piñol, dahil ang kalihim dati ng kaniyang kuya ay mabagal.
“I love you. And ako, now I’m seeing you’re faster. Iyong secretary niya was slow. You’re fast. Bongga!” ani Aquino.