Trump, nasa Washington na para makapulong si Obama

Trump-US-Elections-620x413

Dumating na sa White House sa Washington si President-elect Donald Trump para sa kaniyang kauna-unahang pakikipagpulong kay US President Barack Obama.

Ang pagpupulong ng dalawa ay isang makahulugang simula ng transition of power patungo sa ika-45 presidente ng Amerika.

Bumyahe si Trump patungong Washington mula sa New York sakay ng kaniyang private jet.

Binali pa ni Trump ang mga protocols sa pamamagitan ng hindi pagsasama ng mga journalists sa kaniyang motorcade o kaya sa mismong eroplano niya para ma-cover ang kaniyang makasaysayang pagbisita sa White House.

Hindi rin masyadong nakasundo ni Trump ang mga media sa kasagsagan ng kaniyang kampanya, na umabot sa puntong pinagbawalan niya ang ilan sa mga news organizations na pumunta sa kaniyang mga events.

Sa kanilang pagpupulong sa Oval Office, sinabi ni Obama na marami silang napag-usapan ni Trump, kabilang na ang mga domestic at foreign policy.

Ayon pa kay Obama, gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang makatulong na maging matagumpay si Trump sa kaniyang panunungkulan.

Magugunitang isa si Obama sa mga matitinding kritiko ni Trump noong kasagsagan ng kampanya, kung saan minsan ay sinabi ng pangulo na “unfit” si Trump na maging susunod na pinuno ng bansa.

Nakatakda ring makipagpulong si Trump kina House Speaker Paul Ryan ng Wisconsin at Senate Majority Leader Mitch McConnell ng Kentucky upang pag-usapan ang GOP legislative agenda.

Samantala, naging abala na rin ang transition team ni Trump upang maghanap ng mga tauhang mailalagay sa mga mahahalagang posisyon sa administrasyon at sa mga ahensya nito.

Read more...