Libu-libo ang nagtipun-tipon sa mga lansangan sa Amerika para iprotesta ang pagkakapanalo ni Donald Trump bilang ika-45 pangulo ng Estados Unidos.
Sa labas ng Trump International Hotel and Tower sa Chicago, sigaw ng mga nagprotesta “Trump is not my president!”.
Sa New York, libu-libo rin ang mga nagprotesta na ang iba ay may bitbit pang drums nang sila ay mag-martsa mula sa Rockefeller Center hanggang Sixth Avenue.
Sigaw nila, “Racist, sexist, anti-gay! Donald Trump must go away!”
Sa panahon ng kampanya, nabanggit ni Trump ang pagpapatupad ng temporary ban sa mga Muslims na makapasok sa Amerika at pagpapauwi sa milyun-milyong undocumented immigrants.
Nabanggit din noon ni Trump na magtatalaga siya ng mga mahistrado sa Supreme Court na babaligtad sa landmark ruling na nagle-legalized ng marriage equality sa Amerika.
Maliban sa Chicago at New York, may mga protesta ring isinagawa sa Seattle, Portland, at iba pang lugar sa California.
Sa Berkeley High School, na karamihan sa mga estudyante ay Hispanics at African-Americans, nagsagawa ng walk out ang mga mag-aaral.