Ayon kay Jaime Bordales, forecaster ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang extreme Northern Luzon kabilang ang Batanes at Cagayan ang unang makararamdam ng malakas na buhos ng ulan at hangin na epekto ng paghatak ng bagyong Hanna sa habagat.
Dahil dito sinabi ni Bordales na sa sandaling makapasok na ng Philippine Area of Responsibility ang bagyong Hanna, magtataas sila ng public storm warning signal sa extreme Northern Luzon at iba pang mga lalawigan sa Northern Luzon.
Ang Metro Manila ay hindi rin ligtas sa pag-ulan at hanging epekto ng habagat. Ayon kay Bordales, sa Biyernes hanggang Sabado mararanasan ang malalakas na buhos ng ulan sa Metro Manila.
Samantala ayon kay PAGASA Forecaster Aldczar Aurello, sa ngayon ang Mindanao ay may nararanasan nang epekto ng habagat. Ang Visayas naman ay mamayang gabi o bukas mararanasan ang Habagat.
Samantala, dahil sa patuloy na paglapit sa bansa ng bagyo inaabisuhan na ng PAGASA ang mga mangingisda sa paglalayag sa mga baybaying dagat ng Visayas at Mindanao.
Sa Gale warning na ipinalabas ng PAGASA, aabot sa 3.4 hanggang 4.5 meters ang taas ng alon sa eastern seaboard ng Visayas at seaboards ng Mindanao ngayong maghapon. Ito ay dahil sa malakas na hanging dulot ng habagat.
Ayon sa PAGASA sakop ng nasabing babala ang mga baybayin ng Samar, Leyte, Agusan del Norte, mga lalawigan sa Misamis, Nothern coast ng Lanao del Norte, Surigao, Davao Oriental, Dinagat Island, Siargao, Sultan Kudarat, Maguindanao, Lanao del Sur, Zamboanga Provinces, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Southern Coast ng Lanao del Norte, Davao del Sur, Davao del Norte at South Cotabato.
Ayon sa PAGASA, mabuting maging alerto ang mga mangingisda at alamin muna ang abiso ng weather bureau bago tuluyang pumalaot lalo na kung maliit na sasakyang pandagat ang kanilang gamit./ Dona Dominguez-Cargullo