(updated) Ang bagyong may International Name na Soudelor ay papasok ngbansa sa pagitan ng alas 6:00 hanggang alas 9:00 ng umaga at papangalanang Hanna.
Isa na itong super typhoon batay sa datos ng US Joint Typhoon Warning Center (JTWC) sa Honolulu .
Ito na ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taong 2015 ayon sa JTWC. Sa datos ng JTWC, ang bagyong Soudelor ay mayroon ng lakas ng hanging aabot sa 220 kilometers kada oras at pagbugsong aabot sa 354 kilometers kada oras.
Ayon sa JTWC, malakas ang hanging dala ng bagyo at itinaas na nila sa Category 5 ang rating nito. Pero inaasahang bababa ito sa Category 4 o 3 kapag tumama na sa Japan, Taiwan at China sa Huwebes.
Pero sa rekord ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), alas 7:00 ng umaga ngayong araw, nasa 215 kilometers kada oras ang taglay na lakas ng hangin ng bagyong Hanna na may pagbugsong aabot sa 250 kilometers kada oras.
Ayon sa PAGASA walang direktang epekto sa bansa ang bagyo at sa halip ang habagat na palalakasin nito ang makapagpapaulan sa halos buong Pilipinas. Nasa 600 kilometers kasi ang diametro ng bagyong Hanna.
Sinabi ng PAGASA na magdudulot ng malalakas na pag-ulan mula sa Habagat ang bagyong Hanna sa bahagi ng Luzon lalo na sa Northern portion ng rehiyon gayundin sa Visayas.
Palalakasin nito ang habagat ngunit ang idudulot nito ay hindi lamang mga pag-ulan kundi malakas na hangin din ayon kay Bordales.
Sa araw ng Biyernes ay inaasahang mararamdaman ang epekto ng habagat sa Metro Manila.
Huling namataan ng PAGASA ang bagyo sa 1,420 km East ng Calayan, Cagayan at kumikilos ito ng West Northwest sa bilis na 20 kilometers kada oras./Dona Dominguez-Cargullo, Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.