Donald Trump bagong pangulo ng U.S

By Den Macaranas November 09, 2016 - 04:04 PM

Donald02
AP

Kasama ang buong miyembro ng kanyang pamilya ay nagpasalamat si Republican bet Donald Trump sa kanyang panalo bilang ika-45 pangulo ng U.S.

Sa oras na 4:05AM (Eastern Time) ay umabot na sa 288 ang electoral votes na nakuha ni Trump laban sa 215 ni Hillary Clinton.

Sinabi ni Trump na tinawagan siya ni Hillary Clinton at personal na binati sa kanyang panalo kasunod ng pag-concede nito.

Ipinaliwanag ni Trump na pinasalamatan din niya si Clinton sa isang magandang laban sa nakalipas na halalan.

Nanawagan rin ang bagong lider ng U.S sa kanyang mga kababayan na magkaisa na ngayong tapos na ang halalan.

Sinabi rin ni Trump na siya’y magiging maayos na pangulo ng kanilang bansa para sa lahat ng Amerikano sa lahat ng lugar sa mundo.

Nanawagan rin si Trump na tulungan siya ng kanyang mga kababayan na muling itaguyod at isaayos pati na ang kanilang mga infrastructure projects.

Nangako rin ng dagdag na tulong sa mga beterano ng digmaan ang bagong pangulo ng U.S.

Sesentro din daw ang focus ng kanyang administrasyon sa pagpapalakas ng kanilang ekonomiya at pagsasa-ayos sa magandang kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ng kanilang bansa.

Pinasalamatan rin ni Trump ang kanyang mga magulang na umano’y naging dahilan ng kanyang mga tagumpay sa buhay kasama ang kanyang buong pamilya.

TAGS: democrats, donald trump, Hillary Clinton, republican, u.s president, democrats, donald trump, Hillary Clinton, republican, u.s president

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.