‘Presidential immunity’ gustong limitahan ng ilang mambabatas
Iginiit ng ilang mambabatas na kasapi ng tinatawag na ‘Magnificent 7’ na panahon nang limitahan ang ‘immunity from suit’ ng nakaupong pangulo ng bansa.
Ang pahayag ng grupo ay kasunod ng petisyon ni Senador Leila de Lima sa Korte Suprema laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin ni Albay Rep. Edcel Lagman na maliit ang tsansa ng petisyon ni de Lima na makakuha ng paborableng desisyon.
Gayunman, hindi nito isinasara ang posibilidad na makatsamba ang senadora.
Pero sa pamamagitan ng petisyon ni de Lima, sinabi ni Lagman na marapat na ring mailatag ng Korte Suprema ang parameters ng presidential immunity.
Katwiran ni Lagman, bagama’t layunin ng immunity na hindi maabala ng mga kaso ang presidente ay hindi naman aniya sakop nito ang indiscretions ng punong ehekutibo.
Sinegundahan ito ni Akbayan PL Rep. Tom Villarin at sinabing napapanahon ang naging hakbang ni de Lima.
Ang mistulang pambubully ng pangulo sa senadora ay nagdudulot ng chilling effect sa hanay ng oposisyon.
Dagdag naman ni Northern Samar Rep. Raul Daza, kailangang maging maingat ang Mataas na Hukuman sa pagdesisyon sa petisyon ni de Lima dahil ito ay magsisilbing precedent.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.