Duterte dismayado sa mabagal na tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda

Duterte Yolanda
RTVM

Hindi naitago ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkadismaya makaraan niyang makita ang lugar na tinutuluyan ng mga naging biktima ng super typhoon Yolanda sa Palo, Leyte.

Sa paggunita sa ikatlong taon ng pananalasa ng bagyong Yolanda, sinabi ni Duterte na tila ay walang pagbabago sa buhay ng mga biktima ng trahedya.

Kaugnay nito, inatasan ng pangulo si Presidential Special Assistant for Visayas Mike Dino na pangunahan ang pagsasayos sa mga housing units na kinalalagyan ng mga biktima ng bagyo.

Una sa mga ipinag-utos ng pangulo na tiyaking mabibigyan ng maayos na supply ng tubig ang mga apektadong mamamayan sa mga relocation areas.

Nangako rin ang pangulo na muli siyang babalik sa buwan ng Disyembre para personal na inspeksyunin ang proyekto sa Eastern Visayas ng kanyang administrasyon.

Bagaman hindi tuwirang sinisi, sinabi ng pangulo na naging mabagal ang pagbibigay ng nakalipas na administrasyon ng mag tulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Bukod sa ilang miyembro ng gabinete, kasama rin ng pangulo sa pag-iikot sa ilang lugar sa Leyte sina Vice President Leni Robredo at dating Sen. Bongbong Marcos.

Read more...