Dobleng Christmas bonus, asahan ngayong pasko ng mga guro

 

Good news para sa 720,000 na public school teachers sa buong bansa.

Bago kasi matapos ang taong ito, dobleng Christmas bonus ang matatanggap ng mga guro, kumpara sa natanggap nila noong nakaraang taon.
Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition (TDC), aabot ng mula P34,000 hanggang P64,000 ang mga matatanggap na bonus ng mga public school teachers ngayong taon.

Ayon kay TDC chair Benjo Basas, ang guro na may basic salary na P19,077 ay makatatanggap ng mga sumusunod: hindi bababa sa P5,000 na performance-based bonus (PBB); year-end bonus na nagkakahalaga ng P19,077; P5,000 na cash gift at isa pang P5,000 na productivity enhancement incentive (PEI).

Pero para sa mga guro naman na aabot sa P35,000 ang matatanggap na PBB, ay posibleng makatanggap ng maximum na kabuuang halaga na P64,077.

Paliwanag ni Basas, matatanggap na ng mga guro ang kanilang PBB, year-end bonus at cash gift ngayong buwan, habang ang PEI naman ay ibibigay sa Disyembre.

Hindi aniya nila inaasahan ang ganito kalaking halaga na malamang aniya ay dahil sa malaking pagtaas sa basic salary ng mga guro.

Ang PBB ay bahagi ng productivity-based incentive system sa ilalim ng Salary Standardization Law-3 kung saan ang mga guro at ibang empleyado ay makatatanggap ng bonus na mula P5,000 hanggang P35,000, depende sa kanilang naging performance sa buong taon.

Pero ayon kay Basas, nasa 2 percent lang ng teaching force ng Department of Education (DepEd) ang makakatanggap ng maximum amount ng PBB, dahil mahirap rin aniya ang makakuha ng higit sa P5,000.

Read more...