Sa Huwebes na sisimulan ng Senate Committee on Public Order na pinamumunuan ni Senador Panfilo Lacson ang imbestigasyon sa kontrobersyal na pagsalakay ng CIDG-8 sa selda ni Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr. na ikinamatay nito at isa pang inmate ng bilangguan.
Magsasabay ang imbestigasyon ng Komite ni Lacson at senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon.
Ayon kay Lacson, mistula aniyang ‘bad script’ ang scenario na ipinipinta ng mga tauhan ng CIDG-8 kung saan sinasabi ng mga ito na magsisilbi lamang sila ng search warrant sa loob ng selda ni Espinosa ngunit nanlaban ang alkalde kaya’t napatay.
Giit ni Lacson, maraming katanungan ang dapat masagot sa naturang raid ng CIDG.
Nais nila aniyang malaman kung bakit ginawa ang raid ng alas-4:00 ng madaling-araw at kung bakit kinailangan ang isang search warrant sa pagsasagawa ng paghalughog sa isang piitan.
Kuwestyunable rin aniya ang pagdis-arma ng mga taga-CIDG sa mga miyembro ng BJMP at maging ng mga tauhan ng maritime police sa halip na makipag-coordinate sa kapwa nila alagad ng batas.
Wala rin aniyang umamin sa mga tauhan ng CIDG kung bakit kinailangang baklasin ang hard drive ng CCTV na nagmomonitor sa mga kaganapan sa loob ng bilangguan.
Bukod sa pagkamatay ni Espinosa, isasama na rin sa iimbestigahan ang pagkamatay ni Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao mayor Samsudin Dimaukom at siyam niyang mga tauhan sa isa rin umanong ‘encounter’ sa mga pulis sa Makilala, North Cotabato noong October 28.
Ito’y upang matukoy kung ang naturang insidente ay lehitimong encounter o isang insidente rin ng ‘rubout’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.