‘Tips’ ng Malacañang sa media kaugnay sa mga statement ni Duterte, binatikos

 

Nagulat ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa naging mungkahi ng Palasyo ng Malacañang sa media upang matukoy kung anong pahayag ng pangulo ang biro o seryoso.

Reaksyon ito ng NUJP sa payo ni Communications Sec. Martin Andanar na dapat sumailalim sa briefing ng mga mamamahayag mula sa Davao ang iba pang kagawad ng media na nagko-cover ngayon kay Pangulong Rodrigo Duterte para malaman nila kung nagbibiro lang ba ito sa kaniyang mga sinasabi o hindi.

Matatandaang pagkauwi niya mula sa official visit sa Japan, sinabi ng pangulo na kinausap siya ng Diyos at pinatitigil na siya sa kaniyang pagmumura kundi ay pababagsakin Niya ang eroplano.

Gayunman, kamakailan ay sinabi ni Duterte na biro lamang ito.

Ayon sa NUJP, isang malaking insulto ang mungkahing ito hindi lang sa mga mamamahayag kundi pati mismo kay Pangulong Duterte.

Nangangahulugan kasi ito na walang kakayanan ang pangulo na maging “coherent” sa kaniyang mga pahayag dahil kailangan pang hulaan o bigyang interpretasyon bago maintindihan ng mga dapat makatanggap ng mensahe.

Iginiit ng NUJP na tungkulin ng mga pinuno ng pamahalaan na gawing malinaw ang kanilang mga ipinapahayag upang madali itong maintindihan ng kanilang mga pinamumunuan.

Kawalan rin anila ng respeto sa mga tao kung iaasa pa ng pamahalaan sa mga tagapakinig ang responsibilidad na intindihin ang kanilang magulong mensahe.

Anila pa, ang pagbibigay ng malinaw na mga official pronouncements ay responsibilidad dapat ng Pangulo at ng kaniyang mga alter egos o ng mga kinatawan ng pamahalaan.

Read more...