Paris climate change agreement lalagdaan na ni Duterte

Duterte climate change
Tine Sabillo/Inquirer

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na lalagdaan na niya ang Paris climate change pact at susunod sa mga nakapaloob ditong kasunduan.

Sa kanyang pagharap sa mga bagong opisyal ng National Press Club (NPC) para sa kanilang oath-taking, sinabi ng pangulo na mayorya ng kanyang mga miyembro ng gabinete ang nagsabi na dapat sumunod ang pamahalaan sa Paris Agreement.

Nakapaloob dito ang mga kasunduan kung saan ay papaya ang bansa na makiisa sa pagbabawas ng carbon emission para sa pagsasa-ayos ng kapaligiran na apektado na ng climate change.

Sa kanyang unang araw sa pwesto noong July 1, sinabi ni Duterte na igagalang niya ang mga international treaties na pinasok ng kanyang pinalitang administrasyon.

Pero makalipas lamang ang ilang linggo ay kanyang sinabi na hindi siya makikiisa sa Paris Agreement dahil magiging hadlang ito para sa economic at industrial growth ng bansa.

Kamakailan ay nagbitiw sa kanyang posisyon bilang special envoy sa China si dating Pangulong Fidel Ramos kung saan isa umano sa mga dahilan ay ang patuloy na pagmamatigas ng pangulo na lumagda sa Paris protocol.

Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Duterte na bagaman siya ang lider ng bansa ay patuloy pa rin naman siyang nakikinig sa payo ng kanyang gabinete.

Read more...