“Sino ang may motibo na ipapatay si Mayor Rolando Espinosa?” – sa OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz
Sino ang may motibo para ipapatay si Albuera Mayor Rolando Espinosa? Bago ang sagot sa tanong na yan, ito munang kuwentong ito na kaugnay ng kuwento ni Espinosa ang ibabahagi ko sa pamamagitan ng espasyong ito.
I was curious and intrigued that I had to ask the question right there and then: Sinong General Espina ang tinutukoy sa affidavit ng napatay na si Albuera Mayor Rolando Espinosa?
Ang tinanong ko ay ang hepe ng Albuera Police na si Chief Inspector Jovie Espenido. Direktang sago tang ibinigay ng hepe ng pulisya ng Albuera, “Yung dating Chief ng Philippine National Police, si General Leonardo Espina po ma’am”.
Almost a dead air, but not quite, I pursued again, “Are you sure?” At ang sagot, “Yes ma’am yun ang sinabi ni Mayor sa affidavit n’ya at iyon din ang sinabi niya sa akin noong nasa poder ko pa siya”. Batay sa kuwento umano ni Mayor Espinosa, ang dating hepe ng PNP na si Director General Leronardo Espina ay kabilang umano sa binigyan ng pera mula sa illegal drugs operation ng kanyang anak na si Kerwin Espinosa sa pamamagitan ng brother-in-law ni Espina na nagngangalang Victor Espina.
Magka-apelyido sila ng kanyang bayaw, yan mismo ang sinabi sa amin ni Espina na agad naming pinatawagan matapos na malaman ang impormasyong ito sa hepe ng Albuera Police na hindi maitago ang pagkadismaya sa pagkakapatay kay Mayor Espinosa. Ang dami daw na nagtangka na patayin si Espinosa sabi ng hepe ng Albuera Police, ngunit sinabi ni Chief Inspector Espenido na ginawa na habang nasa poder pa niya noon ang alkalde, ginawa niya ang lahat para mapangalagaan ang seguridad nito.
Nalaman namin mismo sa bibig ng dating hepe ng PNP na, ilang linggo na niyang alam na kasama ang kanyang pangalan sa affidavit ni Mayor Espinosa. “A friend told me that my name was implicated by the Mayor”, yun ang bungad sa amin ni Espina. Ang ginawa daw niya agad ay nakipagkita siya sa tanggapan ni Director Benjamin Magalong na Deputy Director for Operations ng PNP. Siya na mismo ang humiling ng imbistigasyon at sa panayam namin sinabi niya na , napag-alaman ng Criminal Investigation and Detection Group ng Region 8 ang nagpapatunay na “ginamit lamang ng kanyang bayaw ang kanyang pangalan para makakuha ng pera kay Mayor Espinosa at Kerwin Espinosa”. “My brother-in-law used my name”, according to Espina. Tinanong namin, nasaan na ang kanyang brother-in-law, wala raw siyang ideya kung nasaan na ito.
Nagpasalamat sa amin si Espina at binigyan namin siya ng “golden opportunity” na ibigay ang kanyang panig. Nagpapasalamat din kami sa kanya at tinanggap niya ang aming tawag at naging handa sa pagsagot sa aming mga tanong tungkol sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa Espinosa affidavit na sinasabing balewala na ngayon dahil sa patay na nga ang alkalde.
Ang totoo, bitin ang panayam namin. Sapat na nakuha namin ang detalye ng nilalaman ng affidavit na nagbabanggit sa pangalan ng dating hepe ng PNP at sapat na nakuha namin ang panig niya. Ngunit hindi doon nagtatapos ang mga tanong.
Hindi namin sinasabing totoo ang lahat ng nilalaman ng affidavit ni Espinosa. Ito ay sinumpaan niyang salaysay na hanggat hindi nakakarating sa korte para sa kaukulang paglilitis ay nananatiling papel lamang. Ngunit hindi mapapasubalian na ang mga pangalang naroon ay mga pangalang matagal na inalagaan ang kanilang karangalan sa serbisyo—pangalang tulad ng kay General Espina na lumalabas batay sa affidavit na, pinakamataas na opisyal ng PNP na nadawit sa listahan ng isang self-confessed drug operator na tulad ni Mayor Espinosa.
May iba pang pangalan na nandoon, mga heneral na retirado na dati nang nabanggit, nandoon ang pangalang Gen. Dolina. Gen Loot, SSupt. Macanas. May pangalan pa nga ng gobernadora at bise gobernadora, o 226 pangalan sa kabuuan. Kailangan pa bang banggitin na ang nasa una sa listahan sa affidavit ni Mayor Espinosa ay si dating Justice Secretary at ngayo’y Senadora Leila De Lima?
Kay Albuera Police Chief Espenido na rin nagmula ang gusto naming sabihin, yung assault team ng CIDG-8 na nagsilbi ng search warrant kay Mayor Espinosa sa loob ng Baybay Sub-Provincial Jail, maaaring may “impluwensiya rin ng mga tauhan ng CIDG” na kabilang sa mga pangalang nasa affidavit ni Mayor Espinosa. “Obvious” sabi pa ng hepe ng police ng Albuera.
Tanong, naniniwala ba ako halimbawa sa alegasyong kasama ang pangalan ng isang iginagalang na opisyal ng PNP na tulad ni dating PNP Chief Director General Leonardo Espina? Ang sagot ko ay hindi at naniniwala akong marami ang titindig sa integridad ng katauhan ni Espina.
Tanong, naniniwala ba ako na ang isa o ilan sa mga nasa listahang bahagi ng affidavit ni Mayor Espinosa ang may motibo na siya ay patayin upang tuluyang patahimikin at mabalewala ang kanyang affidavit? Ang sagot ko—Oo, naniniwala ako. Naroon ang mag motibo. Naroon ang may kakayanan. Naroon ang may kapangyarihan. Kung naniniwala kang sadya at garapalang pinatay si Mayor Espinosa, nasa listahan, nasa affidavit ang kasagutan. (wakas)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.