14 pang testigo sa drug trade sa Eastern Visayas, nangangamba sa buhay matapos mapatay si Mayor Espinosa

By Dona Dominguez-Cargullo November 07, 2016 - 09:56 AM

Albuera Leyte Mayor Rolando Espinosa Sr.Nangangamba na ngayon para sa kani-kanilang seguridad ang labing apat pang testigo na hawak ng Albuera Police na pawang may kinalaman sa illegal drug trade sa Eastern Visayas.

Ayon kay Chief Inspector Jovie Espenido, hepe ng Albuera Police, sa labinglimang testigo na kanilang hawak at nakuhanan ng salaysay, labingapat na lamang ang natitira matapos mapatay si Mayor Rolando Espinosa Sr.

Gaya ni Mayor Espinosa, ang labingapat na testigo ay pawang nakapag-execute aniya ng affidavit na nagdadawit sa mahigit 80 government officials na sangkot o protektor ng kalakaran ng droga.

“14 na lang ang natira, nasa akin siya, at nangangamba sila ngayon sa buhay nila, lahat sila naka-execute din ng affidavit, may mga na-involved na govt officials,” ani Espenido.

Sinabi ni Espenido na isang buwan ding namalagi sa kanilang kostodiya noon si Mayor Espinosa at kinumpirma ng Albuera police chief na noong mga panahon na iyon, may mga pagbabanta na talaga sa buhay na tinatanggap ang alkalde.

Ani Espenido, may mga nakukuha na sila noong intelligence report na hinahanapan lamang ng timing ang alkalde para mapatay.

Katunayan, takot aniya ang alkalde na magsalita at tukuyin ang mga opisyal ng gobyernong sangkot, pero pinilit siya ni Espenido na magsumite ng affidavit para na rin sa ikalulutas ng

“Takot nga din siya na magsalita kasi baka balikan siya, more than a month din na nandito siya sa amin sa police station.
Mmaraming mga pagtatangka sa kaniya (Espinosa), marami kaming nakukuhang intelligence na maging maingat kami dapat, dahil hinahapan lang ng timing si Mayor,” sinabi ni Espenido sa Radyo Inquirer.

Nanghihinayang naman si Espenido sa sinapit ni Mayor Espinosa dahil ito ay niya ay pangunahin nilang testigo sa mga isinampa nilang kaso laban sa mga sangkot na opisyal ng gobyerno.

Sangkot man aniya sa drug trade ang alkalde, ipinakita naman nito ang kagustuhang magbago at makatulong sa imbestigasyon kaya kahit nangangamba para sa seguridad ay nagsumite siya ng affidavit at pinangalanan ang malalaking tao sa pamahalaan.

Samantala, dahil marami na ring naikanta sa kaniya ang napatay na alkalde, sinabi ni Espenido na ipinapasa-Diyos na lamang niya ang kaniyang kaligtasan at ng kaniyang pamilya.

“Marami kami pinag-usapan noon ni Mayor Espinosa, makita niyo naman sa salaysay niya. Sino ba ang nagpapatakbo ng sub-provincial jail na nakalista sa affidavit niya? Kaya sabi ko nga sa pamilya ko, magdasal lang kami palagi, if God is with us, who can be against us? dagdag pa ni Espenido.

 

TAGS: Albuera Leyte, breaking news, drugs, eastern visayas, Jovie Espenido, rolando espinosa, Albuera Leyte, breaking news, drugs, eastern visayas, Jovie Espenido, rolando espinosa

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.