“Ginamit ang pangalan ko sa transaksyon ng aking bayaw sa mga Espinosa” – dating PNP Chief Espina
Inamin ni dating Philippine National Police (PNP) Chief at retired general Leonardo Espina na nagamit talaga ang kaniyang pangalan sa mga ilegal na transaksyon ng kaniyang bayaw sa pamilya Espinosa.
Reaksyon ito ni Espina matapos na madawit ang kaniyang pangalan sa affidavit ng napatay na si Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng dating PNP chief na nang makarating sa kaniya ang balita tatlong buwan na ang nakararaan na siya ay nadawit sa affidavit ng alkalde, agad niyang hiniling sa PNP ang magsagawa ng imbestigasyon.
Kabilang aniya sa kaniyang nilapitan si PNP deputy chief for operations Director Benjamin Magalong, ang regional director ng PNP sa Eastern Visayas at maging ang hepe ng Albuera Police na si Chief Insp. Jovie Espinido.
Ani Espina, nais nyang malaman noon kung paanong nasangkot siya sa affidavit.
Lumitaw aniya sa imbestigasyon na ginamit ng kaniyang bayaw o brother-in-law na si Victor Espina Jr. ang kaniyang pangalan sa mga ilegal na transaksyon nito sa pamilya Espinosa.
Kabilang sa napag-alaman ng retiradong heneral ay nagsu-suplay ng armas sa mga Espinosa ang kaniyang bayaw.
May insidente din umano na mayroong isang opisyal na pinalipat sa pwesto si Victor Espina Jr., at matagumpay niya itong nagawa gamit ang pangalan ng dating PNP chief.
“Nadinig ko na dati na na-include daw ako sa affidavit ni Mayor Espinosa. Unfortunately, my in law, si Victor Espina Jr., somehow implicated siya as supplier ng armas ni Espinosa and he used my name. May pinalipat pa umanong isang opisyal ang bayaw ko, gamit ang pangalan ko,” sinabi ni dating PNP Chief Espina sa Radyo Inquirer.
Ani Espina, nagamit ng kaniyang bayaw ang kaniyang pangalan para kumita ng pera.
Hindi rin umano niya masisi ang mga Espinosa kung napaniwala sila ni Victor Espina Jr.
Paliwanag ng dating PNP chief, hindi niya personal na kilala ang mga Espinosa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.