De Lima, 225 iba pa idinawit ni Mayor Espinosa sa droga
Hindi bababa sa 226 na personalidad ang kabilang sa affidavit na nilagdaan ng nasawing si Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa Sr. na nakikinabang umano sa iligal na operasyon ng kanyang anak na si Kerwin.
Ito ang pahayag ni Albuera, Leyte chief of police, Chief Inspector Jove Espenido matapos mapatay ang alkalde sa loob ng kanyang selda ng mga tauhan ng CIDG-8 kasama ang isa pang inmate.
Kabilang aniya sa mga nasa listahan ay mga opisyal ng gobyerno, mga miyembro ng militar, pulisya at maging mga tauhan ng judiciary.
Siya pa mismo aniya ang nagkumbinsi sa alkalde na mag-execute ng affidavit at kilalanin ang mga personalidad na nagbibigay proteksyon sa illegal drug operation ng anak na si Kerwin.
Kapalit ng naturang affidavit, tiniyak ni Espenido na kanyang bibigyan ng kaukulang proteksyon ang alkalde sa pamamagitan ng pagpayag nitong manatili sa himpilan ng pulisya.
Gayunman, noong October 5, inilipat sa Baybay sub-provincial jail ang alkalde kung saan ito napatay ng mga tauhan ng CIDG-8.
Kabilang aniya sa nasa listahan ang pangalan ni Sen. Leila De Lima at 18 pang pulitiko, 4 na miyembro ng hudikatura, 38 pulis, pitong miyembro ng CIDG, isa mula sa PDEA, tatlo mula sa BJMP, isa sa Army at tatlong taga-media.
Sa kasalukuyan, nasa 47 katao sa kabuuang 226, kabilang si Sen. Leila De Lima ang nasampahan ng reklamo sa Ombudsman dahil sa alegasyong may kinalaman ang mga ito sa illegal drug trade.
Pangamba ni Espenido, posibleng magdalawang-isip na ang mga nais na magbunyag ng mga iligal na operasyon matapos na mapatay sa loob ng selda si Mayor Espinosa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.