Japan, pumalag sa presensya ng Chinese vessels sa East China Sea
Nagprotesta ang Japan sa China matapos maglayag ang ilang mga barko ng Chinese coast guard sa pinag-aagawan nilang isla sa East China Sea.
Ayon sa Japan Coast Guard, dakong alas-10:00 ng umaga ng Linggo, naglayag ang apat na Chinese vessels sa karagatang pumapaligid sa mga islang tinatawag na Senkaku sa Japan at Diaoyu naman sa China.
Umalis rin naman ang mga naturang barko makalipas ang dalawang oras.
Dahil dito, nagprotesta ang Japan sa foreign ministry ng China sa pamamagitan ng embahada nito sa Beijing, kung saan iginiit nila na ang mga islang pinuntahan ng mga barko ay kanilang teritoryo.
Mas pinaigting naman ng opisina ni Prime Minister Shinzo Abe ang pagmo-monitor sa mga barko ng China.
Hindi bababa sa 32 na protesta na ang ipinadala ng Tokyo sa pamamagitan ng mga diplomatic channels ngayong taon dahil sa anila’y kabuuang 31 araw ng panghihimasok ng China sa kanilang teritoryo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.