Welcome sa National Democratic Front (NDF) ang suspensyon sa arrest warrant laban kay Moro National Liberation Front (MNLF) chairman Nur Misuari.
Naniniwala ang isa sa mga consultants ng NDF na si Alfredo “Ka Paris” Mapano na dahil dito ay mapapayagan si Misuari na makibahagi sa pakikipag-usap ng pamahalaan sa nga rebeldeng Moro sa ngalan ng kapayapaan.
Malaki aniya ang magiging epekto ng mga mungkahi at suhestyon ni Misuari sa peace process ng pamahalaan sa Bangsamoro.
Una na ring sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sa kabila ng factionalism ng MNLF, inirerespeto pa rin siya ng mga Moro.
Para naman kay Fr. Angel Calvo na isang Claretian na pari at pinuno ng grupong Peace Advocates Zamboanga, isang magandang hakbang ang ginawa ng administrasyong Duterte na pansamantalang pagpapalaya kay Misuari.
Ani Calvo, kung ang tunay na kapayapaan ang isasaalang-alang, isa itong magandang hakbang dahil tutumbukin nito ang “point of genuine healing.”
Matatandaang noong isang linggo ay pansamantalang sinuspinde ang arrest warrant laban kay Misuari upang makaharap kay Pangulong Duterte sa Malacañang.