Apat na tama ng bala, tumapos sa buhay ni Mayor Espinosa
Hindi bababa sa apat na tama ng baril ang natamo ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa Jr., na nasawi matapos umanong manlaban sa mga pulis sa Baybay Provincial Jail kahapon (November 5).
Batay sa lumabas na autopsy, tatlong bala ang narekober mula sa katawan ng alkalde, habang ang ika-apat na bala ay tumagos sa katawan nito.
Nagtamo rin daw si Espinosa ng sugat sa ulo, base pa rin sa autopsy.
Ayon kay Atty. Lailano Villarino, abogado ng pamilya Espinosa, maaaring nakahiga raw ang mayor nang siya’y pagbabarilin.
Ang mga bala na nakuha sa katawan ni Espinosa at dadalhin sa regional crime laboratory para sa karagdagang pagsusuri.
Nakatakda namang iburol si Espinosa sa bahay ng kanyang anak na si Kerwin sa Sitio Tinago, Barangay Benolho, sa Albuera.
Plano ng pamily Espinosa na humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation at Commission on Human Rights.
Matatandaang si Espinosa ay kabilang sa mga narco-mayor na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sumuko siya noong Agosto, habang ang kanyang anak na dawit din sa droga ay nagtago pero nahuli sa Abu Dhabi noong Oktubre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.