Sa statement na inisyu ng Office of the Communications Secretary, tinatawag ngayon ng Palasyo ang Senador bilang ‘National Treasure in Global Sports’ dahil sa panibagong tagumpay na nakamit nito matapos kalabanin ang American boxer na si Jessie Vargas sa Las Vegas.
Nagpapasalamat din ang Malakanyang sa hindi matatawarang suportang ipinagkaloob ng mga Pilipino sa oras ng tagumpay at maging sa panahon ng pagkabigo ni Pacquiao.
Ang pagkapanalo ng boksingero ay muli ring nagbunsod ng pagkakaisa at ligaya sa sambayanang Pilipino.
Samantala, kinilala rin ng Malakanyang si Nonito Donaire na bigong mai-depensa ang kanyang WBO junior featherweight title kontra Jessie Magdaleno.
Giit ng Palasyo, bagama’t natalo si Donaire ay dapat pa ring kilalanin ang mga karangalang naibigay nito sa Pilipinas.
Sa puso ng lahat, si Donaire ay mananatiling ‘The Filipino Flash’ dahil sa taglay nitong bilis at punching power.
Kasabay nito, binigyang-diin ng Malakanyang na ang tapang na ipinamalas ng Filipino boxers ay katangian na marapat din umanong ipakita ng lahat sa gitna ng paglaban sa ilegal na droga, kriminalidad at kurapsyon.