Ayon sa abogado ng pamilya Espinosa na si Lanie Villarino, hindi matanggap ng pamilya ang nangyari.
Nakakapagtaka din aniya kung paano nagkaroon ng armas sa loob ng selda nito.
Batay sa mga ulat, nagsagawa ng inspeksyon sa Leyte Sub-Provincial Jail sa lungsod ng Baybay bago ang pagbibigay ng search warrant ng Criminal Investigation and Detection Group kay Espinosa at isang drug suspek na si Raul Yap.
Nakapaloob sa nasabing search warrants ang umano’y armas at droga na nakatago sa loob ng selda ng dalawa.
Napatay ng mga opisyal ng CIDG Region 8 matapos umanong manlaban ang dalawa habang isinasagawa ang search operation.
Sa kabila ng gagawing imbestigasyon ng CIDG, PNP-Internal Affairs Service at Police Regional Office 8, pinag-uusapan pa kung hihiling ang pamilya ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay sa pagkamatay ng alkalde.
Hindi naman binanggit ng abogado kung anong ahensiya ang kanilang kakausapin.
Samantala, sinabi ni Villarino na umaasa ang pamilya Espinosa na rerespetuhin ang kanilang desisyon na hindi tumanggap nang anumang pakikipanayam sa media.