Patay ang limang hinihinalang hold-up gang members matapos umanong mang-agaw ng baril sa loob mismo ng compound ng police station sa Jalajala Rizal.
Ayon sa Rizal Police Provincial Office (PPO), naaresto ng mga operatiba ng Jalajala Municipal Police Station ang hindi pa nakikilalang limang suspek kasunod ng insidente ng hold-up bandang 6:30 ng umaga kahapon sa Upper Sambungan, Barangay Bagumbong.
Biniktima ng mga suspek ang isang Flora Oruga sa naturang barangay habang narekober sa mga ito ang tatlong .38 revolvers at walong plastic sachets ng hinihinalang shabu.
Dagdag ng Rizal PPO, sinasabing dinala ang mga nasabing suspek sa Jalajala Police Station sakay ng police mobile unit at nang makarating sa police station ay isa sa mga suspek ang nang-agaw ng baril sa isa sa mga arresting officer na si Police Officer 2 James Cuenco at akmang babarilin ang mga pulis.
Kaugnay nito, hindi pumutok umano ang 9mm Glock pistol na inagaw na baril kaya nakagulo sa pagitan ng limang suspek at isa pang intelligence operative ng naturang police station.
Dito na pinagbabaril ng mga pulis ang mga suspek kung saan apat dito ang died on the spot habang ang isa ay idineklarang dead on arrival sa Jalajala Hospital.