Iniutos ni Department of Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno sa Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang umano’y shootout na naging dahilan ng pagkamatay ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at ng inmate na si Raul Yap.
Sa direktiba ni Sueno kay PNP chief Director Ronald “Bato” Dela Rosa dapat na agad na magsagawa ng imbestigasyon ang Pambansang Pulisya kaugnay ng shootout sa pagitan ng miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 at ng dalawang high-profile inmates.
Ayon kay Sueno, gusto nilang malaman kung sinunod ng CIDG Region 8 ang standard operating procedures sa naturang operasyon at pagsisilbi ng search warrant kina Espinosa at Yap.
Sinasabing sina Espinosa at Yap ay nagpaputok umano ng baril sa mga pulis na magsisilbi ng search warrant sa Baybay Provincial Jail sa Leyte.
Dagdag pa ni Sueno na “unfortunate” ang naging resulta ng operasyon na ikinamatay ng dalawang inmate kabilang na si Espinosa pero kanya ding binigyang diin na hindi rin nila gugustuhin na ang kanilang mga tauhan ang mamatay sa pagtupad ng kanilang trabaho.