Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Binay na hindi na isyu kung si Marcos ay anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, dahil may sarili namang kakayahan ang senador at mayroon ng napatunayan bilang local executive at mambabatas. “Nagdaan na iyun eh, naparusahan na, natanggal na sa pwesto (si dating Pangulong Marcos) let’s move forward. May kakayahan naman (si Bongbong), may karanasan pa,” ayon kay Binay.
Si Binay ay kilalang malapit sa pamilya Aquino partikular kay dating Pangulong Corazon Aquino na kalaban sa pulitika ng pamilya Marcos.
Sinabi ni Binay na anuman ang mga naging pangyayari sa nagdaan ay dapat nang kalimutan at sa halip ay mas mabuting magkaisa na lamang para sa ikasusulong ng bansa.
Dagdag pa ng bise presidente, kung saka-sakaling maging matagumpay siya sa presidential elections, nais niyang makilala ang ‘Binay Administration’ bilang isang ‘unifying administration’.
Pinasaringan pa nito si Pangulong Benigno Aquino III na hirap isulong ang pagkakaisa sa administrasyon dahil walang ginawa kundi ang bumanat sa mga kritiko. “Si Pangulong Aquino, hindi makakapagsalita iyan ng hindi maninisi, talagang ipapasa niyan ang mali kahit na hindi totoo,” ayon kay Binay.
Sinabi pa ni Binay na mayroong shortlist ang United Nationalist Alliance (UNA) ng mga pagpipilian na posibleng maging bise presidente ng partido para sa susunod na eleksyon.
Itinanggi naman ng bise presidente na si dating Senator Panfilo Lacson ay lumalapit sa knaiya para-mag-apply na maging running mate.
Ayon kay Binay, napag-uusapan na nila noon pa ang mga plano ni Lacson na tumakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 pero hindi umano ito nagsabi sa kaniyang nais niyang tumakbong bise presidente sa ilalim ng partido ni Binay. “Kami ni Senator Lacson, noong mga nakaraang mga taon o buwan ay nag-uusap kami sa kaniyang pag-kandidato. Hindi naman po siya naga-apply (as VP) pero siya ho ay nagpapahiwatig ng kaniyang pagkandidato,” dagdag pa ni Binay.
Si Davao City Mayor Rodrigo Duterte naman ayon kay Binay ay kwalipikado rin na kumandidato sa mas mataas na puwesto.
Pero sa posibilidad na ituloy pa rin ang pagsuyo kay Senator Grace Poe, sinabi ni Binay na malabong isulong pa ito ng UNA dahil mismong ang senadora na ang nagsabing ayaw niyang maging running mate siya ni Binay./ Dona Dominguez-Cargullo