Bagyong ‘Soudelor’, inaasahang magiging super typhoon

(updated) 11am soudelorInaasahang magiging isang super typhoon category ang bagyong may International name na Soudelor.

Nakatakdang pumasok ng Philippine Area of Responsibility bukas, araw ng Miyerkules, ang nasabing bagyo at papangalanan itong Hanna.

Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) forecaster Gladys Saludes, sa susunod na mga oras ay mag-iipon pa ng lakas ang bagyo at magiging isang super typhoon.

Sa itaas na bahagi ng Cagayan ang pasok ng bagyong Hanna at bagaman didiretso ito ng Taiwan, ay hahatakin naman nito ang southwest monsoon o habagat na makapagpapa-ulan sa malaking bahagi ng bansa.“Bukas ay inaasahang papasok ng bansa Typhoon Soudelor sa itaas na bahagi ng Cagayan at papangalanan itong Hanna.

Didiretso ng Taiwan ang bagyo, pero hahatakin nito ang Habagat mula Huwebes hanggang Sabado,” ayon kay Saludes.

Sinabi ni Saludes na sa Huwebes ay mararanasan na sa Metro Manila ang epekto ng habagat na pinalakas ng bagyo. Posible rin aniyang magtaas ng public storm warning signal ang PAGASA sa ilang bahagi ng Northern Luzon dahil sa malaking diyemetro ng bagyong Hanna.

Samantala, sa 11am update ng PAGASA, bahagya pang lumakas ang bagyong Soudelor.

Sa weather advisory number 2, huling namataan ng PAGASA ang bagyo sa 1,855 kilometers east ng Luzon.

Taglay nito ang lakas ng hangin na 215 kilometers kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 250 kilometers kada oras.

Tinatahak nito ang direksyong west northwest sa bilis na 20 kilometers per hour.

Bukas ng umaga, ang bagyo ay inaasahang nasa 1,400 kilometers east ng Calayan Island./ Dona Dominguez-Cargullo

Read more...