Inamin ng Palasyo ng Malakanyang na mayroong police report na plano ng mga terroristang grupo na dukutin ang mga dayuhan na nasa bansa partikular sa Southern Cebu.
Ginawa ng Malakanyang ang pahayag matapos maglabas ng travel warning ang US Embassy sa Maynila na nagbibigay babala sa mga American nationals na umiwas sa pagtungo sa Southern Cebu dahil sa banta ng kidnapping.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nakarating sa Palasyo ang binabanggit na banta sa mga dayuhan.
Sa ngayon ayon kay Abella nagsasagawa na ng validation ang Philippine National Police (PNP) upang maagapan ang insidente ng kidnapping sa mga dayuhan.
Inihayag ni Abella na kumilos na rin ang mga field commander ng PNP para palakasin ang intelligence at counter intelligence measures upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga dayuhan sa bansa.
“There was indeed a police report regarding a plan to stage a kidnapping in Southern Cebu. The report is in the process of being validated. The PNP commanders at various levels have taken the necessary steps to harden or protect possible targets,” ayon kay Abella.
Nagpatupad na rin aniya ng karampatang aksyon ang mga otoridad sa mga public venues para matiyak ang seguridad ng lahat.