Ayon kay Commission on Human Rights (CHR) chairman Chito Gascon, ito’y matapos tanggapin kamakailan ng UN Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions ang imbitasyon ng Malacañang na imbestigahan ang mga pagkamatay sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Sisiyasatin rin ng UN kung nakakasunod ba ang Pilipinas sa mga human rights obligations nito.
Sa mga susunod na linggo ay tatalakayin na aniya ng Department of Foreign Affairs (DFA) at UN ang mga petsa ng pagbisita ng kanilang mga tauhan, pati na rin ang magiging mandato ng Special Rapporteur.
Ani pa Gascon, malamang na opisyal na magsisimula ang imbestigasyon ng UN sa unang quarter ng 2017.
Samantala, ngayong buwan naman nakatakdang tumungo sa bansa ang isang team mula sa European Union (EU) para makipagpulong sa pamahalaan, mga negosyante at economic managers.
Ayon kay Gascon, aalamin ng EU kung ipinagpapatuloy pa ba ng Pilipinas ang commitment nito sa human rights at iba pang polisiya sa ilalim ng 27 international agreements na pinasok ng bansa.
Sa nasabing 27 international agreements, 10 doon ang may kinalaman sa karapatang pantao.