45 katao, dinampot sa Oplan Galugad sa Payatas; 5 arestado sa sinalakay na drug den sa North Fairview
Nagsagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Payatas-A sa Quezon City kung saan aabot sa 45 katao ang pinagdadampot.
Ang mga dinampot na indibidwal ay dinala sa istasyon ng pulisya para sa imbestigasyon.
Isinailalim din sila sa drug test kung saan labingisang lalaki at isang babae ang nagpositibo.
Isasailalim naman ng QCPD sa confirmatory test ang mga nagpositibo sa drug test.
Ang iba pang dinakip ay pinayagan ding makauwi matapos maisailalim sa profiling ng pulisya.
Samantala sa Quezon City rin, isang hinihinalang drug den ang sinalakay ng District Anti-Illegal Drugs (DAID) ng QCPD sa SSS Village, North Fairview.
Limang lalaki ang nadakip sa nasabing operasyon at tatlo sa kanila ay subject ng search warrant na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court(RTC) Judge Bernelito Fernandez.
Ang sinalakay na bahay sa #35 Engineering Street sa SSS Village, North Fairview ay pag-aari ng maglakapatid na Lozano.
Sa isinagawang raid, naaktuhan ng mga tauhan ng QCPD-DAID ang limang suspek kabilang na sina Anthony, Raymond at Ronald Lozano na gumagamit ng shabu.
Kasama ring nadatnan sa bahay sina Louie Canapi at Marlon Aldeo na dinampot din ng mga pulis.
Nakumpiska sa mga suspek ang walong sachet ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P10,000 at mga drug paraphernalia.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.