Dalawa, patay sa hiwalay na anti-drug ops

 

Dalawa ang patay sa magkahiwalay na buy-bust operation ng Philippine National Police (PNP) sa Quezon City at Maynila.

Unang napatay si Isaac Pabilona na dead on arrival sa pagamutan, matapos makipagpalitan umano ng putok sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang bahay sa Sampaguita Ext. Brgy. Payatas, Quezon City.

Ayon kay Batasan Station Commander Col. Lito Patay, nakatunog ang suspek na pulis ang kaniyang ka-transaksyon kaya’t nanlaban at nakipagbarilan sa mga otoridad na nagresulta sa kaniyang kasawian.

Narekober sa crime scene ang isang cal. .45 pistol, mga drug paraphernalia at ilang sachet ng shabu.

Kabilang umano si Pabilona sa drug watchlist ng mga otoridad.

Samantala, napatay naman ang 28-taong gulang na suspek na si Noel Navarro sa Almeda St. Brgy. 226, Tondo, Maynila matapos manlaban sa ginawang buy bust operation ng MPD laban sa kaniya.

Sa inisyal na imbestigasyon ng MPD station 7, nagpositibo ang pagbebenta ng shabu ni Navarro matapos tanggapin ang P300 sa operatiba ng Station Anti-illegal drugs na nagpanggap na buyer kapalit ng shabu.

Nang magpakilala na umano si PO1 Melchor Vega Jr., sa suspek na pulis siya at akmang huhulihin na ang suspek bumunot ng baril mula sa kanyang bewang ang suspek at nagpaputok sa operatiba.

Dito na umano napilitang gumanti ng putok ang pulis na nagresulta sa agarang pagkamatay ng suspek.

Nakuha sa crime scene ang isang kalibre 38 baril na ginamit umano ng suspek, anim na sachet ng hinihinalang shabu, at isang maliit na sachet ng marijuana.

 

Read more...