168 truck ng basura, nahakot mula sa 23 sementeryo
Taun-taon tuwing panahon ng Undas, ilang truck ng basura ang nahahakot ng mga lokal na pamahalaan at volunteer groups na iniwan ng mga nag-tungo sa mga sementeryo.
Ngayong taon ay wala pa ring pagbabago, dahil umabot sa 168 na truck ang dami ng basurang nahakot ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na tinatayang nasa 1,008 tonelada, mula sa 23 na mga sementeryo sa kasagsagan ng pag-gunita ng Undas.
Ayon kay MMDA Metro Parkway Clearing Group head Francis Martinez, lampas kalahati ito sa nahakot nila mula sa 26 sementeryo noong nakaraang taon na umabot sa 302 trucks ang dami.
Inaasahan pa aniyang mas darami pa ang mahahakot nilang mga basura dahil magpapatuloy pa hanggang ngayong araw ang kanilang cleanup operations.
Hindi pa rin aniya sila nakakakuha ng mga ulat mula sa mga lungsod ng Muntinlupa, Malabon at Las Piñas.
Pinakamarami aniya ang nahakot nila sa Manila North Cemetery, kung saan umabot ng 35 truck ng basura ang dami nito, at sumunod naman ang Manila South Cemetery kung saan 28 truck ng basura ang nakuha, habang 18 truck naman ang nahakot sa La Loma Public Cemetery.
Ayon naman kay EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero, sinira na naman ng pagiging makalat ang mataimtim sanang pag-gunita sa mga namayapang mahal sa buhay.
Hindi aniya talaga umuubra ang mga paulit-ulit na paalala sa mga taong matitigas ang ulo na patuloy ang pagkakalat, umulan man o umaraw.
Karamihan aniya sa mga iniiwang basura ng mga tao ay mga tirang pagkain, disposable food containters, upos ng sigarilyo at mga maruruming papel na ginawang sapin.
Pinuri din ng grupo ang mga lokal na otoridad, mga tauhan ng sementeryo, ang MMDA at mga volunteers sa pagtutulung-tulong sa pag-kolekta ng mga basura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.