PNP aminado na may epekto sa kampanya kontra terorismo ang mga baril galing sa U.S

By Den Macaranas November 02, 2016 - 03:17 PM

Bato2
Inquirer file photo

Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” dela Rosa na makaka-apekto sa kampanya ng pamahalaan kontra sa terorismo at mga Private Armed Groups (PAG) ang pagkabalam sa pagbili ng bagong baril para sa mga pulis.

Pero tiniyak naman ng hepe ng PNP na wala itong epekto sa kanilang giyera kontra sa iligal na droga.

Sinabi ni dela Rosa na malaking tulong sa kanilang pwersa ang 26,000 na piraso ng M4 rifles na nakatakda sanang bilhin ng PNP mula sa isang firearm supplier sa U.S.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas pinaghahandaan nila ang closed encounter battle laban sa mga terorista kaya nag-utos na rin siya na bigyan ng sidearms pati ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines.

Sa panayam sa Camp Crame, sinabi ni dela Rosa bukod sa mga bago baril ay mas pinag-igting pa nila ang intelligence gathering kaugnay sa galaw ng mga suspected terrorists sa bansa.

Dagdag pa ng opisyal, kahit na ano ang mangyari ay handang makipagsabayan sa mga kalaban ng gobyerno ang PNP bago man o luma ang kanilang mga armas. Hanggang sa huling patak ng kanilang dugo at huling piraso ng kanilang bala ay lalaban ang mga pulis ayon pa kay dela Rosa.

Magugunitang sinabi ni Senator Ben Cardan ng Senate Foreign Relations Committee na haharangin niya ang nasabing arm deal dahil sa isyu ng human rights violations na kinasasangkutan ng Duterte administration.

Ipinanukala naman ni dating PNP Chief at ngayo’y Senador Ping Lacson na pwede namang bumili sa ibang bansa maliban sa U.S ng mga baril ang PNP.

Binuksan din ni Lacson ang opsyon na muling palakasin ng pamahalaan ang lokal na industriya ng baril sa bansa.

TAGS: ben carban, dela rosa, gun, m4 rifles, PNP, ben carban, dela rosa, gun, m4 rifles, PNP

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.