Libu-libo pa rin ang nagpupunta sa iba’t ibang libingan sa Metro Manila ngayong araw para dalawin ang puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Base sa monitoring ng National Capital Region Police Office (NCRPO) as of 10AM ngayong araw ng Miyerkules, November 2, hindi bababa sa labing walong libong katao ang nagtungo o nanatili sa mga pampublikong sementeryo at memorial parks.
Sa CAMANAVA area, sa 19 na libingan mahigit 1,800 katao pa ang nasa mga sementeryo at karamihan ay sa Eternal Garden Cemetery, maliban lamang sa Tala Cemetery at Immaculate Conception Cemetery na parehong sarado na.
Sa Eastern part ng Metro Manila naman ay may mahigit 1,800 pa din ang mga dumalaw sa mga libingan at pinakamaraming naitala ay sa mga sementeryo sa Marikina City.l
Sa lungsod ng Maynila, may 12,000 pa ang nasa North Cemetery, habang may mangilan-ngilan pa ring naitala na dumadalaw sa South Cemetery, Laloma at Chinese Cemetery.
Sa monitoring naman ng Southern Police District, may mahigit 500 pa ang dumalaw sa mga sementeryo at marami ay nasa Libingan ng mga Bayani.
Sa lungsod ng Quezon, kung saan may 14 pang Libingan ang bukas, halos 2,000 pa ang mga dumalaw sa mga puntod.
Wala pa rin naman naiulat sa NCRPO na malaking insidente na may kaugnayan sa paggunita ng Undas ngayon taon.