Hindi bababa sa anim katao ang patay sa banggaan ng isang pampasaherong bus at school bus sa isang intersection sa Baltimore sa Maryland, United States.
Naganap ang insidente bandang alas-6:30 ng umaga ng Martes, oras sa Baltimore o Martes ng gabi dito sa Pilipinas.
Ayon kay Baltimore police spokesman T.J. Smith, isang bus ng Maryland Transit Administration ang sumalpok sa isang school bus, na sa kabutihang palad ay wala pang sakay na mga batang estudyante nang mangyari ang insidente.
Anunsyo ni Smith sa Twitter, maaring tumagal ng ilang oras ang pagsasara ng bahagi ng kalsada na pinangyarihan ng insidente.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa aniya ng pulisya ang aksidente at nangangalap pa sila ng impormasyon kaugnay na banggaan, partikular na sa kung ano ang naging sanhi nito.