Duterte bibisita sa Malaysia, isyu ng piracy at kidnapping tatalakayin

 

Lalabas muli ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang  byahe nito sa bansang Japan at China.

Kinumpirma ng pangulo na pupunta naman ito sa Malaysia at makikipagkita kay Malaysian Prime Minister Najib Razak upang pag-usapan ang problema sa serye ng mga kidnapping at piracy na nangyayari sa Malacca Strait.

Mahalaga aniya na mahinto na ang naturang problema dahil apektado na ang komersyo at seguridad sa lugar.

Sa pagharap nito sa mga mamamahayag matapo ang pagbisita sa puntod ng kanyang mga magulang sa Davao City, inamin din ng pangulo na kanyang ikinahihiya na ang nagsisilbing takbuhan at kuta ng mga rebelde at bandido ay ang lalawigan ng Sulu, na nasa teritoryo ng Pilipinas.

Si Pangulong Duterte ay nakatakdang magtungo sa Malaysia sa November 9 at 10.

Bibisita rin si Pangulong Duterte sa Thailand upang magpahatid ng pakikiramay sa pagpanaw ng kanilang hari kamakailan.

Read more...