Payo ni MMDA officer-in-charge Tim Orbos sa publiko, matapos na makadalaw sa mga sementeryo sa probinsya ngayong Undas holiday ay mainam na bumiyahe na kaagad patungong Metro Manila.
Sinabi ni Orbos na inaasahang magiging mabigat ang trapiko mamayang gabi hanggang bukas ng umaga (November 2) dahil sa pag-uwi ng mga nagsi-puntahan sa mga lalawigan.
Ipinaalala namang muli ni Orbos na epektibo bukas ang expanded coverage ng no-window hours at Unified Vehicular Volume Reduction Program o number coding scheme hours.
Dalawampu’t talong lansangan sa Kalakhang Maynila ang sakop ng suspensyon ng window hours na kinabibilangan ng: EDSA, Commonwealth Ave., C5, A. Bonifacio Ave., Recto Ave., Rizal Ave., Quirino Ave., Del Pan, Araneta Ave., Marcos Highway, C6, MacArthur Highway, Roxas Blvd., Alabang-Zapote Rd. (Muntinlupa), Taft Ave., Samson Rd. (Caloocan), South Super Highway, A. Mabini St. (Caloocan), Shaw Blvd., Ortigas Ave., Magsaysay Blvd., Aurora Blvd., at Quezon Ave.
Ang mga siyudad naman ng Mandaluyong, Makati, at Las Piñas ay hindi nagpapatupad ng window hours mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.
Samantala, ang provincial buses ay may exemption mula sa number coding mula November 2 hanggang 3, 2016.