Bilyong piso ang nawawala sa PSCO dahil sa pandaraya ng STL Operators

PCSO
from PCSO website

Tinatayang bilyung-bilyong piso kada taon ang nawawala sa gobyerno dahil sa pandaraya ng mga Small Town Lottery o STL Operator.

Sinabi ni Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO Chairman Ireneo “Ayong” Maliksi na ito ang dahilan kung bakit pinalakas nila ang kampanya laban sa nangyayaring dayaan.

Bukod sa dayaan, kinumpira ni Maliksi sa Radyo Inquirer na ginagamit na front sa operasyon ng jueteng ang STL. “Kitang-kita ang mga ebidensya hindi sumusunod ang mga operator na yan sa IRR na in-impose ng PCSO. Yung merong mga bawat probinsya o bayan ay meron talagang designated kung saan sila dapat mag-draw hindi naman daw sila nagdo-draw. Pero napaka-raming bookis area na dun sila nagdo-draw and on top of that pati mga minor ine-employ nila as kubrador.”

Natuklasan ang mga paglabag na ito ng mga STL operators sa ginawang pagsalakay ng National Bureau of Investigation sa lalawigan ng Nueva Ecija, Laguna, Batangas, Quezon, Bulacan at Olongapo.

Sinabi ni Maliksi na bagamat bilyung-bilyong piso ang kinikita ng STL operators, nasa walong daang milyong piso lang ang ibinibigay sa PCSO. “Yung kanilang koleksyon talaga mga 4 billion a year. Napakaraming binabawas, kung anu-ano… Basta in-effect ang na-pasok lang sa PCSO na pondo ay 800-million,” ayon kay Maliksi

Kaugnay nito, itinanggi ni Chairman Maliksi na kaya pinalalakas ang koleksyon ng ahensya ay dahil gagamiting election budget sa susunod na taon. “Ako daw ay Liberal, si Presidente (Aquino) ay Liberal, mag-e-eleksyon daw next year, gagamitin daw ito sa fund raising” pahayag niya.

Sinabi ni Maliksi na nais lamang niyang makulekta ang talagang nararapat na halaga para sa pamahalaan.

Kinakapos kasi aniya sa pondo ang PCSO para maipantulong sa mga mahihirap, kaya dapat lang na maging responsable ang mga STL operators sa pagre-remit ng kanilang taunang kita.

Dagdag pa ni Maliksi, “Kung makikita nyo lamang yung mga nakapilang tao dito galing sa ibat-ibang lugar ng ating kapuluan, halos alas-tres, alas-kuwatro ay nakapila na’t nanghihingi ng tulong talaga namang kikilabutan ka na rin e. Dun mo makikita kung gaano katindi ang pangangailangan ng ating mahihirap na kababayan.”/ Jimmy Tamayo

Read more...