Palasyo, hinimok ang publiko na panatilihing ligtas ang paggunita ng Undas

By Kabie Aenlle November 01, 2016 - 04:23 AM

 

Kuha ni Chona Yu

Hinimok ng Malacañang ang publiko na sumunod sa mga patakarang pangkaligtasan na ipinatutupad sa mga sementeryo, kasabay ng pag-respeto sa pagiging mataimtim ng paggunita sa Todos Los Santos.

Sa isang pahayag, pinaalala ni Communications Secretary Martin Andanar na bawal ang pagdadala ng alak, audio speakers at mga matatalim na bagay sa mga sementeryo.

Nabanggit rin ni Andanar na may isinasagawang mga intelligence at security operations ang mga pulis at militar upang patiyak ang kaligtasan ng milyun-milyong mga Pilipinong dadagsa sa panahon ng Undas.

Aniya pa, sa Metro Manila lang ay mahigit 9,500 na pulis na ang itinalaga ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para magbantay sa mga sementeryo, paliparan, pantalan at mga terminal hanggang November 2.

Pinaalalahanan rin niya ang mga aalis sa kanilang mga tahanan na sundin ang mga safety reminders ng Philippine National Police, tulad ng pagtitiyak na naka-lock ang lahat ng mga pinto at na walang maiiwang appliances na nakasaksak.

Dapat rin aniyang tiyakin ng mga motorista ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang makaiwas sa aksidente.

Samantala, sadya namang hindi na nagsagawa si Pangulong Rodrigo Duterte ng inspeksyon sa mga terminal ng pampublikong transportasyon sa bansa ngayong dumadagsa na ang mga pasahero dahil sa paggunita ng panahon ng Undas.

Ayon kasi kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, kuntento na si Pangulong Duterte sa mga planong pang-seguridad na inilatag ng mga ahensya ng pamahalaan para sa Halloween break ngayong taon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.